Simula Martes, Setyembre 12, madaragdagan ng P1.30 ang presyo kada litro ng diesel, habang P0.45 naman sa kada litro ng gasolina. Tataas din ng P0.90 ang presyo kada litro ng kerosene.
Dahil big time ang dagdag-presyo sa diesel, maghahain naman ng petisyon ang mga transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para itaas ang pasahe.
Ayon sa Department of Energy, hindi nila puwedeng pigilan ang pagtataas ng presyo ng petroleum products dahil "deregulated" o walang kontrol ang gobyerno sa presyuhan ng langis.
Epekto pa rin ng hurricane "Harvey" na nagpasara ng oil refineries sa Texas, U.S.A. ang pagsipa ng presyo ng imported na petrolyo.
Hindi pa kasali sa kuwenta ang epekto ng pananalasa naman ngayon ng hurricane "Irma".
Mula Enero nitong taon, aabot na sa kabuuang P3.40 ang itinaas sa presyo kada litro ng diesel, habang P3.64 naman ang kabuuang itinaas ng presyo ng gasolina.
Ayon kay Obet Martin, presidente ng "Pasang Masda", hihirit silang gawin nang P10 ang minimum jeepney fare o ang pasahe para sa unang limang kilometro ng biyahe dahil pagtaas ng presyo ng diesel.
Madaragdagan ito ng P2 para sa mga susunod na kilometro.
Nasa P30 - P36 na raw kasi ang diesel, madaragdagan pa ngayon ng mahigit piso ang presyo kada litro.
Pero buwelta naman ng mga pasahero, masakit sa bulsa ang P10 pasahe!
Ayon sa isang pasahero ng jeepney, ngayon pa nga lang ay mabigat na para sa kaniya ang ibinibayad na pasahe sa jeepney.
Sabi ng isa pang pasahero, paano na lang daw ang mga mahihirap na sakto lang talaga ang pamasahe?
Hiling din ng ibang pasahero, baka puwedeng P9 muna ang ipetisyong bagong fare hike sa halip na P10 agad.
Isinusulong naman ng grupong "Kapit" ang "fare adjustment formula" kapag natuloy ang dagdag na P6 sa presyo ng petrolyo dahil sa bagong excise tax.
Hihilingin nila ang dagdag P1.50 sa pasahe na uutay-utayin sa loob ng tatlong taon.
Ipepetisyon naman nila ang dalawang pisong dagdag sa pasahe kung patawan din ng dagdag buwis pati ang motor oil at lubricants.
Ayon naman sa LTFRB, pag-aaralan nila lahat ng hirit ng dagdag pasahe pati na ang mga kasalukuyang nakahaing petisyon sa tanggapan nila. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
No comments:
Post a Comment